Epektibo na simula ngayong Lunes, Abril 15, ang pagbabawal sa e-bikes, e-trikes, at light e-vehicles (EVs) sa mga national road sa Metro Manila. Kasama rin dito ang mga tricycle, kariton, pedicab, at kuliglig.
Pero sa kabila nito, ilan pa rin sa mga nabanggit na sasakyan ang dumadaan sa mga national road na sakop ng ban nitong Lunes ng umaga, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita.
“Kawawa naman kami. Kami ay naghahanap-buhay nang marangal, kami ay hinuhuli nila araw-araw,” himutok ng isang tricycle driver.
Nagbabalak naman ang isang e-trike driver na maghanap ng ibang pagkakakitaan para masuportahan ang pag-aaral ng kaniyang anak.
“Siguro po mamaya, makauwi na rin ako. Iiwas na lang din ako. Hindi ko pa po alam. Maghahanap na lang din ulit,” pahayag niya.
Maghahanap naman ng ibang madadaanan ang isang kuliglig driver para makaiwas sa huli.
Una nang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang mga sakop ng ban ay:
- Recto Avenue
- Pres. Quirino Avenue
- Araneta Avenue
- Epifanio Delos Santos Avenue
- Katipunan/C.P. Garcia
- Southeast Metro Manila Expressway
- Roxas Boulevard
- Taft Avenue
- Osmeña Highway or South Super Highway
- Shaw Boulevard
- Ortigas Avenue
- Magsaysay Boulevard/ Aurora Boulevard
- Quezon Avenue/ Commonwealth Avenue
- A. Bonifacio Avenue
- Rizal Avenue
- Del Pan/Marcos Highway/ McArthur Highway
- Elliptical Road
- Mindanao Avenue
- Marcos Highway
- Boni Avenue
- España Boulevard
Maaari namang tumawid sa naturang mga national road para makarating sa kabilang kalsada ang mga nabanggit na sasakyan sa ban.
Maaari ding gumamit ng national road ang mga tricycle kung hindi aabot sa 500 metro ang kaniyang biyahe papunta o galing sa U-turn slot para makatawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
Exempted din ang mga light electric vehicle na bumibiyahe gamit ang bike lanes sa mga sakop na national road sa ilalim ng Republic Act No. 11697 o Electric Vehicle Industry Act.
May multang P2,500 ang lalabag, ayon sa MMDA. Kung walang drivers license o hindi nakarehistro ang mga nabanggit na sasakyan, maaaring i-impound ang mga ito.
Pero sa ngayon, hindi pa muna maniniket ang MMDA sa mga lalabag.— FRJ, GMA Integrated News