Sinabihan umano ni US President Joe Biden si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na hindi sasama ang Amerika kung balak ng Israeli na magsagawa ng counter-strike laban sa Iran, ayon sa ulat ng CNN at Wall Street Journal nitong Linggo.
Una rito, nagpakawala ng mahigit 300 drones at missiles ang Iran papunta sa Israel nitong Sabado ng gabi, bilang ganti sa ginawang pagpapasabog sa consulate ng Iran sa Syria noong April 1, na hinihinala nilang kagagawan ng Israel.
Matagumpay naman na naharang mga rocket ng Israel at mga kaalyado nilang bansa, gaya ng US, ang mga pinakawalang drones at missiles ng Iran.
Sa pakikipag-usap umano kay Netanyahu noong gabi ng Sabado, sinabi umano Biden na hindi na kailangan ang gumanti sa ginawa ng Iran. Sinabihan rin umano ng senior U.S. officials ang kanilang counterparts sa Israel na hindi makikilahok ang Amerika kung bubuwelta pa ang Israel sa ginawa ng Iran, ayon sa ulat ng CNN at Wall Street Journal.
Sinabi naman ni John Kirby, top national security spokesperson ng White House, sa "This Week" program ng ABC nitong Linggo, na patuloy na tutulong ang US na depensahan ang Israel, pero hindi ang pakikidigma sa Iran.
"We don't seek escalated tensions in the region. We don't seek a wider conflict," ani Kirby. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ,GMA Integrated News