Natuldukan ang pagtatago ng isang lalaki, na inaresto sa Tagaytay City dahil sa paulit-ulit na pangmomolestiya umano sa anak ng dati niyang partner na umabot ng limang taon.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, natuldukan ang dalawang taong pagtatago ng suspek, na top three most wanted person ng Manila Police District.
Nangyayari ang panghahalay umano ng suspek sa biktima tuwing pumapasok sa trabaho ang ina ng bata.
Ayon sa MPD, nagsimula ang pang-aabuso simula noong 9-anyos pa lamang ang biktima, at umabot hanggang maging 14-anyos na ito.
Walang ideya noon ang ina ng biktima sa nangyayari sa kaniyang anak, ngunit nagtaka siya nang mag-iba na ang ikinikilos ng bata.
Nakapagsumbong lang sa kaniya ang kaibigan ng bata ilang buwan ang lumipas mula nang makipaghiwalay na siya sa suspek.
“‘Yung thinking niya na maaari akong masira, maaari akong masaktan, ‘yun ang pinaka-fear niya kaya hindi siya nakapagsalita agad,” sabi ng ina ng biktima.
Dumanas ng matinding depresyon at trauma ang dalagita dahil sa kaniyang naranasan.
“Nahihirapan po siya. Hindi madali sa part niya na tanggapin ‘to,” dagdag ng ina ng bata.
Tumangging magbigay ng pahayag ang akusado, na nasa kustodiya na ng MPD.
Nahaharap ang suspek sa apat na count ng acts of lasciviousness, statutory rape at child abuse. — Jamil Santos/DVM, GMA Integrated News