Timbog ang isang lalaki matapos niyang gahasain umano ang isang babae na nanggaling sa isang inuman Marso ng nakaraang taon sa Quezon City.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing sanib-puwersa ang Novaliches Police Station at CIDG sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa 21-anyos na lalaki sa Barangay Capri, dahil sa panggagahasa sa 21-anyos ding biktima.

Ikalawa sa Most Wanted List Persons ng Novaliches Police Station ang suspek.

“According sa victim nagkaroon sila ng inuman sa bahay ng kaibigan niya. Then noong pauwi na, itong victim kinausap ng tatlong kasama niya na kung puwede magpahinga muna sa bahay ng suspek. Doon na nangyari ang panghahalay,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Reynaldo Vitto, Commander ng Novaliches Police Station.

Nai-turn over na ng QCPD ang nadakip na lalaki sa CIDG.

Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang kaniyang pahayag. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News