Dalawang tanod ang hinoldap ng riding-in-tandem sa harap mismo ng barangay hall sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente madaling araw ng Abril 6, kung saan nakaupo noon ang dalawang naka-duty na tanod habang nagse-cellphone.
Maya-maya pa, dumating ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo. Lumapit ang angkas sa dalawang tanod, nanutok ng baril, at kinuha ang cellphone ng mga biktima. Kinuha rin ang sumbrero ng isa sa mga biktima.
Sinabi ng Manila Police District na natukoy na nila ang nanutok ng baril.
“Case filed na po natin. Upon backtracking and investigation, na-identify na natin ang suspek at na-file-an na natin sa piskalya ‘yung information for robbery-holdup,” sabi ni Police Major Billy Ray Canagan, deputy commander ng MPD Station 3.
Residente ng Maynila ang suspek at dati na ring nakulong sa robbery-holdup, samantalang hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng rider.
Nagtungo ang GMA Integrated News sa mismong barangay hall kung saan naganap ang panghoholdap.
Isang kagawad ang humarap, ngunit tumangging magsalita kaugnay sa insidente. Hindi rin humarap ang dalawang tanod na biktima.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News