Ilang kabahayan at establisimyento sa Barangay Sipac-Almacen sa Navotas City ang nawalan ng supply ng kuryente nitong Martes ng madaling araw matapos umakyat ang isang lalaki sa poste.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, halos tatlong oras nawala ang supply ng kuryente sa lugar dahil sa insidente na nagsimula bandang 2 a.m.
Pansamantalang pinutol ng Meralco ang kuryente habang isinasagawa ang rescue operation sa 29-taon-gulang na lalaki.
Bandang 5 a.m. na nang matagumpay na mailigtas ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection - Navotas Rescue Force ang lalaki gamit ang isang boom truck.
Dinala ang lalaki sa police station para maimbestigahan.
Naapektuhan naman ng kawalan ng supply ng kuryente ang ilang negosyo sa lugar. —KBK, GMA Integrated News