Iniwasan ni Vice President Sara Duterte na pag-usapan ang pangunguna niya sa survey ng mga posibleng susunod na kandidato sa pagkapangulo ng bansa sa 2028, kasama si Senador Raffy Tulfo.
Sa ambush interview nitong Lunes, sinabi ni Duterte na nakatuon ang kaniyang atensyon ngayon sa kaniyang trabaho bilang vice president at kalihim ng Department of Education (DepEd).
“Napakalayo pa kasi ng 2028 para natin pag-usapan sa ngayon. Ang ginagawa lang natin ngayon, at ang kailangan nating gawin lahat ay magtrabaho muna at mag-contribute tayong lahat sa nation-building,” sabi niya sa mga mamamahayag.
Batay sa resulta ng Pulse Asia survey, halos magkapareho ang puntos na nakuha nina Duterte (34 porsiyento) at Tulfo (35 porsiyente) na ginawa noong March 6 -10.
Sa naturang survey, tinanong ang mga respondent kung sino ang kanilang pipiliing pangulo at bise presidente kung ngayon gagawin ang halalan?
Noong nakaraang Nobyembre 2023, sinabi ni Duterte na wala siyang balak na tumakbong pangulo sa 2028 national elections.
Nitong nakaraang Enero, sinabi naman ni Duterte na muli siyang tatakbo sa halalan pero hindi niya sinabi kung anong posisyon.
Sa 2028 pa matatapos ang termino ni Duterte bilang bise presidente. Pero sa 2025, magkakaroon ng halalan na kabilang sa mga iboboto ay mga kandidato sa pagka- alkalde, gobernador, kongresista at mga senador.
Samantala, sinabi naman ni ACT-CIS party-list lawmaker Erwin Tulfo, na hindi nais ng kaniyang kapatid na si Sen. Raffy Tulfo na tumakbong pangulo sa 2028.
“Napag-usapan ‘yan [kung ano nasa survey], and he said no,” ani Erwin. —FRJ, GMA Integrated News