Humingi ng paumanhin si dating Ilocos Sur Gov. Luis "Chavit" Singson sa pagdaan niya sa Edsa Busway. Kahit natiketan, nag-alok pa siya ng P100,000 bilang pabuya sa MMDA traffic enforcers na sumita sa kaniyang convoy dahil sa patas na pagpapatupad ng batas.
“Humihingi ako ng paumanhin sa MMDA,” Singson sa panayam ng GMA Integrated News nitong Lunes, ilang oras matapos siyang masita at matiketan sa pagdaan sa Edsa busway.
Sinabi rin ng dating gobernador na pinapahanap niya ang MMDA team na sumita sa kaniya para bigyan ng pabuya sa ginawang pagpapatupad ng batas.
“Pinapahanap ko na si Chairman [Romando] Artes. Magpapadala ako ng P100,000 premyo sa mga nanghuli para ma-encourage sila na manghuli," ani Singson.
"Wala dapat above the law,” dagdag niya.
Kabilang si Singson sa sakay ng convoy na dumaan sa Edsa Busway sa bahagi ng Cubao.
“Wala namang harang eh, nag-overtake lang sa bus lane, pero ganoon pa man hindi dapat gayahin; mali yon,” paliwanag ni Singson.
Ayon kay Singson, papunta siya sa isang television network para sa interview nang mangyari ang insidente.
May multang P5,000 ang unang paglabag ng mga driver paggamit ng Edsa bus lane. — mula sa ulat ni Jun Veneracion/FRJ, GMA Integrated News