Patay ang isang lalaki matapos magulungan ng SUV sa Tondo, Maynila nitong Biyernes.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa “24 Oras Weekend,” base sa video footage, umupo ang lalaki sa harapan ng SUV na nakaparada sa Yuseco Street sa Tondo.
Pagsakay ng pasahero ay biglang umandar ang SUV at nagulungan ang lalaki.
“‘Di niya namalayan na may tao pala doon sa unahan niya po so nagulungan niya harap likod nung sasakyan po niya,” ani Barangay Kagawad Gerald Jimenez.
Isa raw pedicab driver at nangangalakal sa lugar ang biktima.
“‘Yung driver, pumara ng tricycle para isakay yung biktima doon sa tricycle,” dagdag ni Jimenez.
Tumakas ang driver ng SUV kaya ang tricycle driver ang nagdala sa biktima sa ospital ngunit pagdating sa ospital, nagpasya ang tricycle driver na ibalik na lang ang biktima sa Yuseco Street dahil sa takot na mapagbintangan.
Ilang saglit ay dumating ang pamangkin ng biktima na si Maricris Sambilon.
“Nung pagkakita ko po sa kanya, naliligo po siya sa sarili niyang dugo. Binuhat po namin siya ng kapatid ko, tinakbo namin ng Jose Reyes pagdating namin don pagbaba ng tricycle sabi agad ng doktor, galing na raw po yung tito ko do’n,” aniya.
Nagtamo ng bali sa iba't ibang bahagi ng katawan ang lalaki na kaniyang ikinamatay.
Aabot sa P100,000 ang gastos sa burol at pagpapalibing na siyang pinoproblema ng pamilya.
Nai-report na raw sa pulisya ang nangyari at hinahanap na ang driver ng SUV.
“Sumuko na lang po siya, makipagtulungan po siya samin, wag po siyang magtago kasi magiging wanted lang po sya. Lalo lang niyang pinaliliit yung mundo niya,” ani Sambilon. — Sherylin Untalan/KG/DVM, GMA Integrated News