Sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Parang, Marikina City nitong Sabado ng umaga.

Nangyari ang sunog sa Sevilla Street pasado alas-singko ng umaga, ayon sa ulat ni Christian Maño sa Dobol B TV.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), umabot sa unang alarma ang sunog bago ito naideklarang fire under control matapos ang sampung minuto dakong 5:45 a.m.

Kalaunan ay nagdeklarang fire out na ang BFP.

Apat na bahay ang apektado ng sunog, ayon sa BFP.

Wala namang naitalang nasaktan o nasawi.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang BFP para matukoy ang pinagmulan ng sunog at ang halaga ng pinsala. —KG, GMA Integrated News