May nilinaw si dating presidential spokesman Atty. Harry Roque kaugnay sa umano'y "gentleman's agreement" noon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ng China, tungkol sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Sa ulat ng GTV News "Balitanghali" nitong Martes, sinabi umano ni Roque na ang naturang kasunduan ay patungkol sa "status quo" o walang pagbabago sa West Philippine Sea, at hindi partikular tungkol sa Ayungin shoal.
Naunang iniulat na sinabi ni Roque na hindi sikreto ang naturang kasunduan noon na inilahad pa ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na walang gagalaw o walang improvement na gagawin sa BRP Sierra Madre.
"Because of this 'gentlemen’s' agreement between the Philippines and China during the time of President Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin [sa Ayungin],” ani Roque.
Pero nitong Lunes, sinabi ni Atty. Salvador Panelo, dating chief presidential legal counsel ni Duterte, na walang ganoong kasunduan na pinasok ang dating administrasyon sa China.
"Kung sino man ang nagkakalat ng gentleman's agreement, 'yung po'y nagsisinungaling. Baka gusto lang ng publisidad sa sarili niya," ani Panelo sa isang programa sa SMNI.
Ayon kay Panelo, nakausap niya si Duterte noong Holy Week at itinanggi umano ng dating pangulo na may pinasok siya na kahit anomang gentleman's agreement.
"I have been avoiding that Ayungin Shoal like a hot potato kasi alam kong napaka mainit 'yang topic na 'yan kaya wala akong pinagkakasunduan kahit kanino," ani Panelo.
Samantala, sinabi naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nitong Martes, na dapat maging alerto ang mga Pilipino sa pagkilos na ginagawa ang China para ibahin ang usapan tungkol sa West Philippine Sea sa paglutang ng umano'y "gentleman's agreement."
"Let us not fall into the trap set by Chinese propaganda of refocusing the debate on a so-called promise while deflecting attention away from China's government, thereby freeing and allowing them to continue with their illegal activities in our EEZ (exclusive economic zone)," ani Teodoro. -- FRJ, GMA Integrated News