Arestado sa Porac, Pampanga ang isang dating sundalo na wanted sa kasong pagpatay sa Biliran matapos ang limang taon niyang pagtatago. Ang suspek, itinangging may kinalaman siya sa krimen.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapapanood ang agad na pagpapadapa ng mga operatiba ng Batasan Police Station sa 33-anyos na suspek na subject ng warrant of arrest dahil sa kaniyang kasong pagpatay.
“Dati siyang miyembro ng Marines... 2011 siya nag-enter tapos 2012 nag-AWOL din siya,” ayon kay Police Captain Glenn Gonzales, Batasan Police Station officer of the day.
Inilahad ng pulisya na nangyari ang krimen sa Biliran noong 2019 kung saan napatay umano ng suspek at kaniyang kaanak ang kanilang kalaro sa sugal.
“Ang lumalabas sa info namin, naglalaro lang sila ng sugal. Tapos nagkapikunan sila, binaril nila ‘yung kalaro nila na isa,” sabi pa ni Gonzales.
Nang madakip, nakuha mula sa suspek ang baril na kargado ng mga bala.
Lisensiyado naman ito, base sa imbestigasyon ng pulisya, ngunit kailangan pa ring isailalim sa ballistic examination upang maberipika kung nagamit ito sa iba pang krimen noong nagtatago ang suspek.
Ikawalo sa most wanted persons ng Police Regional Office 8 ang lalaki.
“Wala po akong kinalaman doon. No comment po ako roon kasi mahirap pong magsalita. Noong inaresto po ako, ngayon ko lang nalaman na may warrant po ako,” sabi ng suspek nang tanungin kaugnay sa kasong kaniyang kinakaharap.
Nakipag-ugnayan na ang QCPD sa PRO-8 at inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant ng suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News