Nasawi ang isang lalaki na tinutugis ng barangay dahil sa pagnanakaw umano, matapos siyang masalpok ng motorsiklo habang tumatawid sa EDSA sa Caloocan City.

Sa ulat ni Chino Gaston sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood sa CCTV ang pag-aabang ng mga barangay tanod dakong 9 p.m. sa EDSA nitong Biyernes Santo.

Plano nilang hulihin ang isang lalaki na nagnakaw umano ng bike, nang tumawid ito sa EDSA.

Ngunit tiyempong may dumaan na motorsiklo, na hindi na naiwasang mahagip ang suspek.

Patay ang lalaki na kinilalang si “Macmac,” na tumilapon at sumadsad sa kalsada.

Mapapanood din sa dash cam ng isang napadaang kotse ang pagtawid ng ilang lalaki at ang pagsalpok at pagsadsad ng motorsiklo kasama ang rider nito.

Tumangging magbigay ng pahayag sa media ang pamilya ng nabanggang suspek, ngunit humingi sila ng tulong sa pagpapalibing nito.

Hindi pa muna nagbigay ng panayam ang traffic sector ng Caloocan Police, na patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makunan ng pahayag ang nakabanggang rider na naospital dahil sa mga tinamong galos sa katawan.

Isasailalim ang nakabanggang rider sa inquest kapag nakalabas na siya ng ospital. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News