Naging “penitensya” na ng isang 80-anyos na lola sa Palo, Leyte ang pagluluto ng bersyon nila ng ginataan na mola bola para sa mga penitente tuwing Semana Santa. Ano nga ba ang sangkap nito kaya ito humahagod sa lalamunan?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala si Lola Camilla Potente, o mas kilala bilang si Mana Mila.
Humahagod sa lalamunan ang mola bola ni Mana Mila dahil sa sangkap nitong luya.
Mala-penitensya ang pagluluto nito dahil Huwebes Santo pa lang, magdamag nang ibinababad sa tubig ang bigas at malagkit.
Kinabukasan ng umaga, ipagigiling na ito sa palengke, habang tulong-tulong naman ang mga kamag-anak ni Nana Mila sa pagbilog ng mga mola bola o bilo-bilo sa mga Tagalog.
Lulutuin na ito sa pagsapit ng Biyernes Santo, kung saan dinidikdik ang luya para maging mas malasa ang bilo-bilo.
Ang anghang ng luya ang siyang magbabalanse sa tamis ng gata. Kailangan namang walang tigil itong hahaluin sa loob ng halos isang oras.
Pinaltok
Samantala sa Victoria, Laguna, nagpapatamis sa pag-iibigan ng mga magkasintahan ang bersyon nila ng ginataan na kung tawagin ay pinaltok.
Tradisyon ng panliligaw sa Laguna ang tupadahan, kung saan sabay na nagluluto ng pinaltok ang binata at dalaga upang mas makilala nila ang isa't isa.
Sa pagluluto ng pinaltok nagkalapit ang mga loob nina Heidi at Arnold Añonuevo.
Kung ang bilo-bilo sa ibang lugar ay gawa sa malagkit na bigas, ang pinaltok naman ay gawa sa ginadgad na saging na saba.
“Parang panliligaw, kailangan mo munang maghirap bago mo makuha ‘yung tamis at sarap,” sabi ni Arnold.
Sindol
May sarili ring bersyon ng ginataan ang mga Muslim, na hinahaluan ng pampalapot na tinatawag na natek, na galing sa isang uri ng palm tree na Silal sa Maguindanao.
Pambato nila sa pasarapan ng ginataan ang kanilang sindol, na madalas inihahain at pinagsasaluhan sa iftar o unang meal pagkatapos mag-ayuno tuwing buwan ng Ramadan.
Umaga pa lamang, namamalengke na ang mag-asawang taga-Sultan Kudarat na sina Baidido Husain at kaniyang asawa ng mga sangkap ng sindol upang kanilang lutuin at ibenta sa kapitolyo.
“Usually sa mga Muslim community, kasi sa month of Ramadan, nagtitiis kami na hindi kumain at hindi uminom mula umaga hanggang sa gabi. Unang-unang kinakain na hinahanap namin is sindol. Magluluto ako at mararamdaman naman ako ng komunidad na ako ay kapatid nila sa pananampalatayang Islam. At ‘yun ay ibibigay ko nang kusang loob,” sabi ni Ustads Rashid Midzapak, administrator ng Sultan Pax Islamic Institutions. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News