Naniniwala si dating presidential spokesperson Harry Roque na may kaugnayan sa "gentleman’s agreement" noon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Xi Jinping ng China, tungkol sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal ang ipinakikitang ang aksyon ngayon ng China sa West Philippine Sea.
Paglilinaw ni Roque, hindi sikreto ang naturang kasunduan dahil isinapubliko umano ito ng noo'y Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, na senador ngayon.
Sa kasunduan, sinabi ni Roque na tanging mga pagkain at tubig lang ang dadalhin ng Pilipinas sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, at walang materyales na kasama para kumpunihin ang lumang barko.
“This is not a secret deal. This was made public by Secretary [Alan Peter] Cayetano na walang gagalaw, walang improvement [sa BRP Sierra Madre], walang problema sa Ayungin," ayon kay Roque sa panayam ng Politiko.com.ph.
"Because of this 'gentlemen’s' agreement between the Philippines and China during the time of President Rodrigo Roa Duterte, tubig at pagkain lang ang dadalhin [sa Ayungin],” dagdag niya.
“Ang reklamo ng China, taliwas sa naging kasunduan noong nakaraan, nagdadala sila ng repair equipment para ayusin ang BRP Sierra Madre kaya ganyan ang naging reaction ng China,” ani Roque.
Sinabi rin ng dating opisyal na maaaring mali ang China kung inaakala ng mga ito na kikilalanin ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang kasunduan nila kay Duterte.
"Maybe China was wrong... because they enter into agreements not with personalities but with governments, eh hindi yata sumang-ayon ang Presidente Marcos, Jr. sa ganitong usapin,” ani Roque.
Naniniwala si Roque na maaaring mas maging agresibo ang China kapag ipinagpatuloy ang pagdadala ng materyales para kumpunihin ang BRP Sierra Madre.
Sa hiwalay na panayam kay Roque ng Super Radyo dzBB, sinabi ng dating kalihim na mas makabubuting hayaan na lang sa kasalukuyang kondisyon ang BRP Sierra Madre kaysa galitin ang China.
“Hindi mo rin naman mapipilit ang China na [pumayag] magkaroon ng improvement. Hindi rin talaga sila papayag. Ano ang gusto natin? Magutom ang ating mga tao roon?” saad ni Roque.
“[‘Yung] tuluyan na silang umalis dahil hindi makapagdala ng pagkain, o manatili ang BRP Sierra Madre roon dahil papayagan naman ang tubig at ang pagkain? Sa tingin ko, mas tamang polisiya, na maski bulok 'yung barko roon, nananatili tayo roon, may presensiya tayo roon at may sapat na pagkain at tubig ang mga tao natin sa Sierra Madre,” dagdag ni Roque.
HINDI ALAM ANG KASUNDUAN
Ayon sa National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS), hindi nila alam ang sinasabing “gentleman’s agreement” ng nakaraang administrasyon Duterte at China.
“We are not aware of any 'gentleman’s agreement' between China and the Philippines referred to by former Secretary Harry Roque,” sabi ni NTF WPS spokesperson Jonathan Malaya sa pahayag nitong Miyerkules.
“The good former secretary should be one to explain to the public his statements since such an agreement, if it exists, infringes and violates our sovereignty as a nation,” dagdag pa ng opisyal.
Kung totoo man ang naturang kasunduan, sinabi ni Malaya, na wala na itong bisa sa administrasyon ni Pangulong Marcos.
“Therefore, China’s repeated reference to such 'promises' serves no purpose as there is no legally-binding agreement between the two countries under the current Marcos administration,” giit ni Malaya.
Nagsilbi noon si Malaya na undersecretary ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa administrasyon ni Duterte.
Ayon kay Malaya, walang obligasyon ang administrasyong Marcos na sundin ang pinasok na kasunduan ng dating administrasyon na may masamang epekto sa pambansang interes.
Kamakailan lang, muling binomba ng tubig ng China Coast Guard ang mas maliit na barko ng Pilipinas na gamit sa resupply mission sa BRP Sierra Madre.
Nitong Miyerkules, inihayag ni Armed Forces of the Philippines chief General Romeo Brawner, na magkakaroon ng pagbabago sa ginagawang paghahatid ng tulong sa mga sundalong nasa BRP Sierra Madre.
Nais sakupin ng China ang halos buong South China Sea, maging bahagi ng karagatang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, na tinatawag na West Philippine Sea. —FRJ, GMA Integrated News