Maraming simbahan at kapilya sa Intramuros, Maynila ang puwedeng puntahan ng mga Katolikong may planong mag-Visita Iglesia ngayong Holy Week.
Ang Visita Iglesia ay ang tradisyon ng pagdalaw sa pito o 14 na mga simbahan tuwing Semana Santa.
Puwedeng unahin ang Manila Cathedral, na dinarayo na ng mga debotong nagvi-Visita Iglesia ngayong Holy Wednesday.
Sunod, tumawid at maglakad lang nang kaunti at mapupuntahan na ang Our Lady of Guadalupe Chapel sa loob ng Fort Santiago.
Narito rin ang 450-year-old San Agustin Church na isang UNESCO World Heritage Site. Sa labas ng simbahan, nakaset-up na ang mga Stations of the Cross.
Bakit inisasagawa ang Visita Iglesia?
“Prayer, tapos kasama na rin siyempre yung magre-reflect ka kung anong mga kasalanang nagawa mo, tapos kung anong gusto mong baguhin sa sarili mo,” ayon sa isa sa mga nakausap namin.
Hindi kalayuan sa San Agustin Church ay ang Father Willmann Chapel sa Potenciana Street. Malapit din ang Santa Rita Chapel sa loob ng Mapua Universit, na bukas para sa mga magvi-Visita Iglesia mula 6 a.m. hanggang hatinggabi sa Holy Thursday.
Sunod ay ang Chapel of the Most Sacred Heart of Jesus sa loob ng Lyceum of the Philippines University na bubuksan naman sa mga magvi-Visita Iglesia mula 6 a.m. hanggang 6 p.m. bukas.
At ang pangpito ay ang St. Matthew’s Chapel sa loob ng Bureau of Internal Revenue building.
Ayon sa Simbahang Katolika, ang Visita Iglesia ay pagkakataon upang mas mapalalim pa ang ating pananampalataya sa Panginoong Hesukristo.
Paalala ni Fr. Reynante Balilo, ang parish priest ng San Agustin Church, “Pupunta tayo sa simbahan para magdasal, upang magnilay, hindi upang mag-picture tayo…panahon ng pagbibigay din natin ng tulong sa ating kapwa.” — BM, GMA Integrated News