Inihayag ng animal rights group na Philippine Animal Welfare Society (PAWS) na positibo sa virus na rabies ang golden retiever na si "Killua," na pinatay sa palo ng isang tanod sa Bato, Camarines Sur matapos umanong mang-atake at mangagat ng isang matandang babae.
Sa inilabas na pahayag nitong Lunes, pinayuhan ng PAWS ang mga nakalmot o nakagat ni Killua na magpabakuna kontra sa rabies.
“This includes pet owner Vina Arazas who hugged the bloodied body of her beloved dog when she found him at a known dog slaughter area in Sta Cruz, Bato, Camarines Sur,” ayon sa grupo.
Gayunman, nilinaw ng PAWS na maaaring hindi "accurate" ang rabies test kay Killua dahil umano sa “the body had already been buried for five days prior to testing and may have been contaminated from being in an area where many stray dogs have already been slaughtered.”
“PAWS is making this announcement to ensure that any bites or scratches will be reported promptly in the interest of public health and safety,” dagdag nito.
Nakasaad sa standard protocol ng Bureau of Animal Industry Manual of Procedure for Rabies para sa mga hayop na hinihinalang positibo sa rabies na “be observed for 14 days or, in case of highly suspected rabies cases, be humanely euthanized with no damage to the head.”
Kaso vs tanod
Kasabay nito, sinabi ng PAWS na itutuloy nila ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa lalaking itinuturong pumatay kay Killua dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 8485, or the Animal Welfare Act of 1998 at RA 982 o ang Anti-Rabies Act, dahil umano sa pagbebenta nito ng karne ng aso.
Batay sa CCTV footage, nakalabas ng kanilang bahay si Killua matapos tumalon mula sa bubungan noong Linggo ng 5 a.m.
Inatake umano ng aso ang isang matandang babae na dahilan para habulin at patayin ito ng lalaki na sinasabing tanod sa lugar.
Patay na at nasa sako na si Killua nang hanapin at makita ng kaniyang amo.
Pinayuhan din ng PAWS ang mga kumain ng karne ng aso sa lugar kung saan sinasabing dinala ang katawan ni Killua na magpabakuna rin.
“They are at great risk. Dog meat traders are not only cruel people but pose a serious threat to public health,” ayon sa PAWS. —FRJ, GMA Integrated News