Isang motorsiklo na ninakaw sa Sampaloc, Maynila, ang natagpuan sa Quezon City.
Parehong timbog ang suspek na nagbenta nito at ang customer na bumili.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, sinabing naghinintay ng isang araw ang mismong may-ari, na taga-Sampaloc, Maynila, para muling maibalik ang kaniyang motorsiklo.
Kasama ng may-ari ang pulisya nang matunton nila ito.
Ayon sa biktima, Marso 16 nang makipag-birthday siya sa kaibigan, at dito na nawala ang kaniyang motorsiklo. Naiulat niya sa pulisya ang insidente kinabukasan.
Noong mismong araw ding iyon, nakatanggap siya ng mensahe sa cellphone na may gustong mag-surrender ng kaniyang motor.
“Binenta daw po sa kaniya ‘yung motor ng halagang P20,000… P3,000 lang po ‘yung dinown (down) niya pero binigay na po ‘yung motor sa kaniya,” saad ng biktima.
Nang makipagkita sa may-ari sa barangay, wala ang motorsiklo kundi itinago ito ng nakabili umano dahil sa takot na madamay.
Kalaunan, itinuro rin niya kung sino ang nagbenta sa kaniya, at pareho silang dinakip dahil sa paglabag sa anti-fencing law.
Kinumpirma pa ng dalawa na magkakilala sila, at dati nang nakulong dahil sa ilang kaso.
Sinabi ng biktima na may ilan din siyang gamit sa compartment ng motor na nawawala rin.
Hawak sa kasalukuyan ng Manila Police District ang dalawang suspek. —Jamil Santos/ VAL, GMA Integrated News