Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na walang foul play sa pagkamatay ni Ricardo Zulueta, na isa sa mga akusado sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid
“Yes po,” tugon ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo nang tanungin sa press conference nitong Lunes kung walang foul play sa pagkamatay ni Zulueta.
“Iyong mismong kapatid po ang nagdala sa hospital at even po 'yung common law wife po ni Mr. Zulueta ang magkakasama po sila doon,” sabi ni Fajardo.
“A night before na dumating so noong nag-complain na parang naninikip na ang dibdib ay dinala agad nila sa ospital. However, binawian din po ng buhay,” she added.
Batay sa death certificate, sinabi ni Fajardo na ang sanhi ng pagkamatay ng 42-ayos na si Zulueta ay cerebrovascular disease intracranial hemorrhage, o nagkaroon ng pagdurugo sa utak.
Isinugod si Zulueta, dating opisyal sa Bureau of Corrections, sa Bataan Peninsula Medical Center sa Dinalupihan, Bataan, at idineklarang nasawi dakong 11 p.m. noong Biyernes, ayon sa pulisya.
Marso 2023 nang kasuhan si Zulueta sa korte, kasama ang dating pinuno ng BuCor na si Gerald Bantag, ng two counts of murder kaugnay sa pagpatay kina Lapid at umano'y middleman na si Jun Villamor, na magkahiwalay na nangyari noong October 2022.
Noong Abril 2023, naglabas ng arrest warrant ang Muntinlupa court laban kina Bantag at Zulueta, na dahilan ng kanilang pagtatago.
Nitong Linggo, iniutos ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa National Bureau of Investigation (NBI) na alamin alamin ang dahilan ng pagkamatay ni Zulueta, at kung si Zulueta nga ang sinasabing nasawi.
"We are still looking into the veracity of these reports and will update the public as soon as we receive word from the NBI," ani Remulla.
Bago nito, hiniling ni Roy Mabasa, kapatid ni Percy, na magkaroon ng ''independent autopsy report would assuage the public that we are indeed after the truth.''
''We would like the PNP to ascertain the real cause of his death since he was originally tagged as one of the masterminds in the killing of @lapidfire,'' saad ni Mabasa sa kaniyang post sa X.—Joviland Rita/FRJ,GMA Integrated News