BERLIN, Germany - Sinagot ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. ang bagong banat sa kaniya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na puro pasyal ang ginagawa niya sa pagpunta sa ibang bansa. Pinuna rin ng Punong Ehekutibo ang pabago-bago umanong sinasabi ng dating lider.
Nang makausap ng mga mamamahayag, ipinakita ni Marcos ang kaniyang schedule sa biyahe para patunayan na walang nakalaang oras para siya mamasyal.
''It's my schedule for today. Where's the (paseo?) Wala. You know, kasama ko... we don't make pasyal, even in the places that I spent a lot of times with, 'di ko napupuntahan 'yung mga dati kong pinupuntahan because we're here to do this,'' sabi ni Marcos na nasa Germany ngayon para sa working visit.
Sa nakaraang rally na ginawa sa Liwasang Bonifacio, pinuna ni Duterte ang madalas na pagbiyahe ni Marcos sa ibang bansa at sinabing, ''Si Marcos, pasyal pasyal na lang 'yan.''
Sa naturang pagtitipon, hinikayat ni Duterte ang mga tao na huwag suportahan ang isinusulong na Charter change dahil nais lang umano ng mga nakaupo sa puwesto--kabilang si Marcos-- na magtagal sa kapangyarihan, gaya umano ng ama nito na si Marcos Sr.
Nang hingan ng komento ang nakababatang Marcos sa naturang sinabi ni Duterte, sinabi ng pangulo na nalilito siya sa pabago-bagong pahayag ng dating pangulo.
''Nako-confuse kasi ako kay PRDD, papalit-palit eh. So I’ll have to examine it further really kasi very... kulang ang naririning sa balita, ang kaniyang mga remarks. So, we will... tingnan ko muna kung ano ba talaga ang sinabi niya para maintindihan ko,'' ayon kay Marcos.
''I think hindi ko talaga naintindihan kasi parang naiiba, bawat salita niya iba eh. So, I will try to make sense of it,'' patuloy niya.
Matatandaan na naunang kinontra ni Duterte ang Charter change na isinusulong sa paraang ng Peoples Initiative. Pero may sumunod siyang pahayag na ok lang ang charter change kung hindi pagpapalawig ng termino ang layunin.
May pahayag din noon si Duterte na tinawag niyang "bangag" si Marcos, pero kinalaunan ay sinabi ng dating lider na hindi niya inakusahang adik ang nakaupo ngayong presidente. -- mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News