Upang i-promote ang mga local artists at artisan, binuksan ng Antipolo City local government katuwang ang private sector ang isang mini-art fair na tinawag nilang “Pistang Sining.”
Ginawa ito sa Flor’s Garden, isang events place na itinuturing ng siyudad na “hidden gem.”
Ayon kay Antipolo City tourism arts culture consultant Magel Cadapan, “Maraming mga art forms eh, they wanted to express and they’re just shy, so we’re just here to jive and just to collaborate and to come together celebrating art.”
Naka-display rito ang mga visual arts na gawa ng Artipolo Group Inc.,; mga bayong-style handbags na gawa ng Antipolo inmates o persons deprived of liberty (PDLs); mga pasalubong tulad ng kasoy at suman; at mga sustainable at organic products.
Nag-enjoy din ang lahat sa OPM hits na tinugtog ng Antipolo City Band.
Ayon sa pangulo ng Artipolo Group Inc. na si Pol Mesina Jr., malaking tulong ang event para sa kanila upang maipakita nila ang kanilang mga obra sa publiko.
Ang photographer na si Jovel Lorenzo na gumagamit ng sinaunang street box camera, nasa art fair din upang ipakita ang kaniyang mga kuhang portraits.
Ayon kay Lorenzo, “Mas ibang klase ang paggawa ng ganitong klase, so mas mano-mano plus may feelings ka pag nagkukuha ng pictures kasi kailangang isipin mo lahat ang gagawin bago mag expose ng litrato.”
Nais din daw ng Antipolo LGU na i-promote ang kanilang siyudad bilang wedding destination kaya naman ang Flor’s Garden ang venue nila para sa Pistang Sining.
Ayon sa head ng Antipolo Tourism na si Mar Bacani, “Napakadaming magagandang simbahan na nasa Antipolo City at pag kayo’y kinasal sa Antipolo City, dito din po matatagpuan ang National Shrine to Our Lady of Peace and Good Voyage.”
Ayon kay Edmin Tarriela, presidente ng Flor’s Garden, gusto rin nilang bigyan ng tribute ang mga artists at masaya sila sa pagtanggap sa kanila ng Antipolo local government.
Ayon naman sa may-ari ng events place na si Flor Gozon-Tarriela, pino-promote nila ang Filipino artists, at ang Flor’s Garden ay bukas para sa events lalo na sa mga weddings.
Binuksan din sa publiko nang libre mula 1 p.m. to 3 p.m. ang Carolina Bamboo Garden. — BM, GMA Integrated News