Nadakip ang isang Korean national na leader umano ng grupo ng mga hacker ng isang messaging app sa South Korea at kabilang pa sa red notice ng Interpol.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapapanood ang agad na pagposas ng mga operatiba ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit sa suspek, na itinuturing “big fish” sa kanilang bansa.
“Nag-develop siya ng isang program at na-hack nila ang more than 50 million users at ‘yung accounts nito o mga personal data na ibinenta nila sa mga sindikato na nag-o-operate ng voice phishing and other fraudulent activities,” sabi ni BI-FSU chief Rendel Sy.
Matagal na umanong nananatili sa bansa ang Koreanong pugante ngunit noong isang taon lamang siya naisyuhan ng warrant at nailagay sa red notice ng Interpol.
Pahirapan din ang pag-aresto sa kaniya.
“Alam niya rin na wanted na rin siya sa Korea kaya nag-iingat na rin siya at hindi siya masyadong lumalabas. Nagkataon lamang na during our surveillance or stakeout, lumabas siya nang isang beses kaya nasundan namin siya. Pumunta siya sa Pasay area at doon na namin siya hinuli,” sabi ni Sy.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng Korean national.
Nakakulong na siya sa detention facility ng BI sa Bicutan, Taguig, habang gumugulong ang kaniyang deportation procedure.
Samantala, patuloy ding inaalam ng BI-FSU kung may kasabwat pa ang arestadong dayuhan sa ilegal niyang operasyon sa Pilipinas. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News