Arestado ang isang lalaki sa Tondo, Maynila matapos niyang hipuan umano ang isang menor de edad na kaanak ng dati niyang amo. Ang suspek, dati na ring nabilanggo dahil umano sa droga at pagnanakaw.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing dinakip ang suspek ng mga tauhan ng Women and Children Concern Section ng Manila Police District sa bisa ng warrant of arrest.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng impormasyon ang informant na ang lalaki ang siyang suspek.
Ngunit napansin ng lalaki na umaaligid ang mga operatiba ng WCCS kaya mabilis siyang tumakbo. Gayunman, naabutan ang suspek.
Lumabas sa imbestigasyon na sangkot din sa mga ilegal na aktibidad ang akusado, at umamin ang siyang dawit siya sa robbery, snatching at riding-in-tandem sa Pasay, Makati, Parañaque at Valenzuela.
Ang suspek ang nagsisilbing rider umano, at kadalasan nilang target ang mga mamahaling cellphone.
Natuklasan ding dalawang beses nang nakulong ang lalaki dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Namomroblema ang suspek kung paano siya makakapagpiyansa dahil malapit nang manganak ang kaniyang kinakasama.
Nasa kustodiya pa ng MPD ang lalaki habang hinihintay ang commitment order ng korte. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News