Sinimulan na ni Senador Robin Padilla ang pangangalap ng pirma sa mga kapuwa niya senador para harangin ang planong ipaaresto si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, na itinuturing niyang "bayani."

Sa pulong balitaan nitong Huwebes, sinabi ni Padilla na lima na ang senador na pumirma sa manipesto para tutulan na ipa-contempt at ipaaresto si Quiboloy ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na pinamumunuan ni Sen. Risa Hontiveros.

Sa nakaraang pagdinig, iginiit ni Hontiveros na dapat ipaaresto si Quiboloy dahil sa hindi nito pagdalo sa mga pagdinig matapos padalhan ng subpoena.

Iniimbestigahan ng komite ang mga alegasyon ng pang-aabuso ni Quiboloy sa ilang kababaihang dating miyembro ng KOJC, at kinasangkapan para mangalap ng pera para sa kaniyang religious group.

Kabilang sa mga binanggit ni Padilla na pumirma para harangin ang arrest warrant laban kay Quiboloy si Sen. JV Ejercito. Gayunman, naglabas ng pahayag si Ejercito na binabawi niya ang kaniyang pirma.

Sa ilalim ng patakaran ng komite na may 14 na miyembro, kailangan ang boto ng mayorya para mabaliktad ang desisyon ni Hontiveros na ipaaresto si Quiboloy.

Dapat makuha ni Padilla ang nasa hanggang walong pirma hanggang sa susunod na linggo.

Ayon kay Padilla, hindi nararapat na "gipitin" si Quiboloy na itinuturing niyang bayani na nakipaglaban umano sa mga rebeldeng New People's Army (NPA).

"Si Pastor kasi nilabanan niya ang NPA...Hindi deserve para sa mga mata ko na ang isang taong tingin kong bayani sa pakikipaglaban niya sa komunista na naging kasama ko, e ganitong klase papayagan ko maiskandalo? Nasaan ang utang na loob natin sa serbisyo ng taong ito na inalay niya sa paglaban sa komunista?" giit ng senador.

Nang tanungin kung papaano nakipaglaban si Quiboloy sa NPA, sinabi ni Padilla na ipinagamit lider ng KOJC ang TV channel nito para mailabas ang mga ginawa ng gobyerno laban sa mga komunistang rebelde.

"Di mo mapanood sa ibang channel mapapanood mo sa SMNI...Napakahalaga noon. Sa usapin ng paglalathala na ginawa ng gobyerno na maganda. Napakahalaga noon," paliwanag niya.

Nang tanungin kung nakatanggap siya ng tulong mula kay Quiboloy nang tumakbo siyang senador at nanalo noong 2022 elections, sinabi ng actor-turned-politician na binigyan siya ng libreng airtime sa TV channel nito.

Ipinagamit din sa kaniya ang helicopter ni Quiboloy pero wala umano siyang tinanggap na kontribusyon sa kampanya.

Bukod sa Senado, iniimbestigahan din sa Kamara de Representantes si Quiboloy kaugnay sa prangkisa ng SMNI.

Sinabi rin ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na sasampahan ng Department of Justice (DOJ) si Quiboloy ng kasong qualified human trafficking at child abuse cases. — FRJ, GMA Integrated News