Dead on the spot ang isang motorcycle rider matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa matukoy na salarin sa Santa Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing natagpuang wala nang buhay ang lalaki sa Yuseco Street pasado 12 nang madaling araw.
Bago naganap ang pamamaril, mapapanood sa CCTV ng katabing barangay ang pagbunot ng baril ng gunman na nakaangkas din sa isang motorsiklo.
Nagsasagawa ang barangay ng roving nang makarinig sila ng tatlo hanggang limang putok ng baril umano.
Nang ikutan nilang muli ang lugar, namataan nilang nakahandusay na ang biktima.
Nakita sa crime scene ang limang basyo ng bala ng .45.
Sinabi ng kapulisan na nakuha nila ang cellphone ng lalaki, ngunit may tama rin ito ng bala.
Ayon sa mga awtoridad, hindi residente sa lugar ang biktima, na hindi pa tukoy sa kasalukuyan ang pagkakakilanlan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kung sino ang nasa likod ng pamamaril at ang kanilang posibleng motibo. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News