Itinalaga bilang OIC NFA administrator si NFA assistant administrator for finance and administration Piolito Santos, epektibo ngayong araw. 

Ayon kay Santos, ginawa raw ang pagtatalaga sa kaniya bilang OIC sa pulong kanina ng NFA council. 

Sabi ni Santos, siya ang mamamahala sa lahat ng routinary matters at ang iba namang mga issues at concerns ay ipapaalam niya muna kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. 

Sa meeting aniya kasama ang kalihim, mayroong instruction sa mga department managers at pamunuan ng NFA na babaguhin nila ang pamamaraan ng pagbebenta ng bigas sa mga outlets para hindi na aniya maulit ang pangyayari. 

Sa pamamaraan aniya ng pagbebenta ay uunahin na ang mga ahensya ng pamahalaan, local government units at mga calamity-stricken areas.

Pero kung talagang hindi na aniya kailangan ang buffer stock at ito ay malapit nang mabulok, dapat na aniya itong ibenta sa ibang outlet sa pamamagitan ng auction para aniya mas mataas ang magiging presyo ng bigas ng NFA. 

Nang tanungin si Santos kung hindi ba apektado ang operasyon ng NFA ngayong peak harvest pa naman, sinabi nitong bubuksan nila ang mga napadlock o, hindi nabuksan na bodega at ililipat ito sa mga bodegero na walang accountability. 

Ito aniya ay para mabigyan ng bigas ang mga nangangailangan na mga mamamayan tulad ng DSWD, LGUs at iba pa. 

Sabi ni Santos, “‘Yun ang aming pinag-usapan kanina. Bibigyan namin ng action para yung napadlock or kaya’y hindi nabuksan na bodega ay ating mabubuksan at ita-transfer ito sa mga bodegero na walang accountability para mapagbigyan natin ng mga bigas ang ating mga nangangailangan na mga mamamayan katulad ng DSWD, local government units at iba pa.”

Sa taong ito aniya, dapat mayroon tayong 300,000 metric tons hanggang 475,000 metric tons ng palay para mayroong buffer stock. 

Mayroon pa aniyang P17 billion na puwedeng ipambili ng palay sa mga magsasaka. 

Ito raw ay ang P9 billion na ibinigay ng pamahalaan at P8.2 billion na natira noong nakaraang taon. 

Ang mga nabakanteng posisyon aniya dahil sa preventive suspension, ay nilagyan na rin ng mga OIC.

Sabi ni Santos, “Sa ngayon ay filled up na. Meron na kaming special order kahapon pa na lahat ng nagkaroon ng OPS or preventive suspension ay meron nang nakatalaga na mga OICs sa bawat regions, sa bawat branches nationwide.”

Makikipagtulungan din aniya ang NFA sa Ombudsman sa kanilang imbestigasyon. 

Nang tanungin si Santos kung naniniwala siya na may anomalya sa pagbebenta ng NFA rice, Sabi niya, “Sa ngayon kasalukuyan ang imbestigasyon ng Ombudsman at meron ding parallel investigation ang Department of Agriculture at hintayin po natin ang magiging resulta ng kanilang imbestigasyon.”

Nang tanungin kung kumusta ang morale ng mga empleyado ng NFA, sabi ni Santos, “Sa ngayon ay nagbigay na ng mensahe ang ating kagalang galang na Secretary Francisco Laurel na kaniyang binibigyan ng moral support ang ating mga empleyado at sinabi niya na malalampasan natin itong pagsubok na ito.” —NB, GMA Integrated News