Pinagbabaril hanggang sa mapatay sa harap ng kaniyang ina ang isang 19-anyos na volunteer social worker sa Caloocan City. Ang hinihinalang ugat sa krimen, utang na pera.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing gabi noong Pebrero 15 nang unang barilin sa sala ng kanilang bahay ang biktimang si Mark Anthony Adobas.
 
“Biglang may pumutok, akala ko TV na sumabog. Pagtingin ko kumislap, tumakbo si Anthony sa akin mama, 'Yun pala may tama na siya dito," kuwento ng anak ng biktima.

Tumakbo ang mag-ina palabas ng bahay pero doon na rin muling pinagbabaril ng salarin ang kaniyang anak.

Batay sa death certificate ng biktima, nagtamo siya ng mga tama ng bala sa katawan at mukha.

Sa kuha ng CCTV camera sa labas ng lugar ng biktima, nakita ang pagdating ng salarin na sakay ng motorsiklo.

Naaresto siya sa follow-up operation, at lumitaw na dati nang nakulong sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.

“Wala naman kasalanan yung anak ko, papatayin na lang nila ng ganon mabait na bata yan, matulungin,” hinanakit ng ama ng biktima.

Ang suspek, itinanggi na may kinalaman siya sa krimen.

Ayon kay Police Major Valmark Funelas, hepe ng Caloocan Police Sub-Station 10,  may kaugnayan sa pera ang ugat ng krimen.

“Accordingly sa kaanak ng biktima, may utang sila na… kalahati lang ang nabayaran. Nagbanta ang suspek, pumunta sa bahay, nagbanta na kapag hindi nagbayad, may mangyayari na masama,” sabi ni Funelas.

Sa kabila ng nangyari, nakatatanggap pa rin ng pagbabanta sa buhay ang pamilya ng biktima. Kaya napilitan na silang umalis sa kanilang bahay.

“Natatakot kami dun sa mga taong umaali-aligid sa amin. Kasi mayroon pang driver hindi pa nahuhuli. Isa pa lang nahuhuli nila,” ayon sa ama.

Nais nilang mahuli na rin ang iba pang sangkot sa krimen, kabilang ang utak sa pagpatay sa biktima.

“Pina-follow up pa rin natin na mahuli yung pinaka-mastermind sa nangyari. Dito po nagkaroon ng utang yung biktima. Gabi-gabi din natin iniikutan yung vicinity ng biktima para matiyak ang kapayapaan,” ayon kay Funelas. -- FRJ, GMA Integrated News