Isang lola sa Maynila ang sugatan matapos palakulin umano ng isang tricycle driver na pinagbibintangan siyang mangkukulam, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes.
Duguan na nang makita ng anak ang biktima na may sugat sa ulo.
Sa kuha ng CCTV sa Barangay 438 nitong Martes nang umaga, makikitang umaaligid ang suspek malapit sa biktima na noo'y papunta sa bahay ng kaniyang anak.
Hindi nahagip ng kamera ang aktuwal na pamamalakol ng suspek sa biktima.
Agad namang nahuli ng mga taga-barangay ang suspek.
"After i-review 'yung CCTV ay nakita 'yung suspek na siya ang responsible na pumalo o nanaga doon sa [biktima]," ani Police Lieutenant Colonel Romeo Estabillo, hepe ng Manila Police District Station 14.
Ayon sa suspek, wala naman siyang intensiyong patayin ang matanda.
"Binigyan ko lang siya ng disiplina, hindi ko talaga siya papatayin," anang suspek.
Malakas daw ang kutob ng suspek na mangkukulam ang lola dahil bigla na lang siya nakararamdam ng hilo at masusuka. Dagdag pa niya, boses ng lola ang kaniyang naririnig at tila nang-aakit pa umano.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang biktima na nakalabas na ng ospital.
Inaalam na ng pulisya kung dati nang may kaso ang suspek at kung gumagamit ito ng ilegal na droga.
Sinampahan na ng reklamong frustrated murder ang suspek. —KBK, GMA Integrated News