Kahit patayin umano siya, sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya inakusahan na drug addict si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
“Wala ako sinabi na ganon... Even if you kill me a thousand times, wala akong sinabi na ganon. Make it ‘taking a drug.’ Pero kung sabihin mong addict, wala akong sinabi na ganon. Patayin ako ni Marcos niyan. Maawa ka naman sa akin, matanda na ako,” pahayag ni Duterte sa press conference nitong Martes ng gabi.
“If I can say it to Marcos, I can say it for all. Antibiotic, aspirin—they’re all drugs… Pero wala ako sinabi… Papatayin ako ni Marcos niyan. Takot pa naman ako mamatay, matanda na ako,” dagdag pa niya.
Nitong nakaraang Enero, tinawag ni Duterte na "bangag" si Marcos sa prayer rally sa Davao City.
Sinabi pa ni Duterte na nasa drug watchlist umano ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) -- na kaagad namang itinanggi ng ahensiya.
"Si Bongbong, bangag iyan. That’s why sinasabi ko na sa inyo ngayon, si Bongbong Marcos bangag noon, ngayong presidente na, bangag ang ating presidente. Kayong mga military, alam ninyo 'yan. Lalo na 'yung nasa Malacañang. Alam ninyo. The Armed Forces of the Philippines, alam ninyo. May drug addict tayo na presidente," sabi ni Duterte sa naturang pagtitipon.
Minsan ding hinamon ni Duterte si Marcos na magpa-drug test sila sa harap ng publiko.
Tinawanan lang ni Marcos ang naturang pahayag ni Duterte at sinabing posibleng naapektuhan na ng fentanyl ang dating pangulo.
“I think it’s the fentanyl... It is highly addictive and it has very serious side effects. And PRRD has been taking the drug for a very long time now. When was the last time he told us that he was taking fentanyl? Something like that. After five, six years it has to affect him," sabi ni Marcos sa mga mamamayag ilang araw matapos ang prayer rally.
ICC Probe
Nagbigay din ng komento si Duterte nitong Martes tungkol sa ginagawang imbestigasyon ng International Criminal Court’s (ICC) sa pagkamatay ng mga sangkot umano sa ilegal na droga noong panahon ng kaniyang liderato.
Ayon kay Duterte, dapat sundin ni Marcos ang payo ng kaniyang [Marcos] legal counsel tungkol sa naturang usapin ng ICC.
“I would like the President to seek the advice of his legal counsel. Kung ano ang sabihin niya sa mga abugado niya sa Malacañang, sundin niya. Ako, I could take care of my own,” ani Duterte.
Nitong nakaraang linggo, nanindigan si Marcos na hindi niya kikilalanin ang hurisdiksyon ng ICC sa Pilipinas.
Tinanong naman ni Duterte kung nasaan ang ICC noong panahon na malaking problema sa bansa ang ilegal na droga.
“Pakialam kayo nang pakialam, hindi naman kayo nakakatulong. Look idiot, if you are not really an idiot because you are an idiot, sino ba naman gusto pumatay sa kapwa tao niya? Kung may gusto man akong patayin, kayo, kayong pumunta dito sa bayan ko,” anang dating pangulo. —FRJ, GMA Integrated News