Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na dapat gamitin ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy ang mga pagdinig sa Kongreso para maipaliwanag ang kaniyang sarili mula sa mga alegasyon laban sa kaniya.
Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Miyerkules kay Marcos bago siya bumiyahe patungong Canberra, Australia para sa isang official visit, sinabi ng pangulo na kailangan ihayag ni Quiboloy ang kaniyang "side of the story."
''He has an opportunity in the hearings both in the House and in the Senate to say his side of the story. Kaya po sinasabi niya, hindi totoo lahat 'yan, hindi totoo, walang nangyaring ganiyan, 'di sabihin niya (sa hearing),'' payo ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na mas magiging mahirap para kay Quiboloy kapag na-"contempt" siya ng Kongreso.
''That’s why my advice for him is to just face the questioning in the House and in the Senate. Marinig natin ang kaniyang side para malaman natin kung ano ba talagang nangyayari dito,'' patuloy ng pangulo.
Kapuwa nagpalabas ng magkahiwalay na subpoena ang Senado at Kamara de Representantes laban kay Quiboloy para obligahin siyang dumalo sa mga pagdinig, na ilang beses na niyang hindi sinipot.
Sa naunang mga pahayag, sinabi ni Quiboloy na hindi siya dadalo sa mga padinig pero handa niyang harapin ang mga kaso kung isasampa sa korte.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ng Senado tungkol sa umano'y pang-aabuso ni Quiboloy sa mga dating miyembro ng KOJC, habang ang prangkisa naman ng Swara Sug Media Corporation, na nagpapatakbo ng Sonshine Media Network International, na broadcast media arm ng KOJC, ang sinisiyasat sa Kamara.
Samantala, pinabulaanan din ni Marcos ang alegasyon ni Quiboloy na pakikipagsabwatan umano sila ng kaniyang asawa na si First Lady Louise ''Liza'' Araneta-Marcos sa US government para i-"eliminate" ang religious leader na wanted din sa Amerika dahil sa kinakaharap na mga kaso.
''Walang may gustong mag-assassinate sa kaniya. Bakit siya i-assassinate? Why would anyone want him dead?" ayon kay Marcos. —mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News