Nahuli-cam ang ginawang paglabag sa batas-trapiko ng isang rider na nag-counterflow at muntik pang sumalpok sa truck sa R-10 ramp sa Port Area sa Maynila.
Sa ulat ni Joseph Morong sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mapapanood sa isang video ang pagharurot ng motor sa expressway sa kalaliman ng gabi.
Mistulang walang mali sa unang tingin, ngunit pagkaraan lang ng ilang saglit habang paliko ang motorsiklo, may nakasalubong itong dalawang truck.
Sa kabutihang palad, hindi sila nagkasalpukan, habang nagpatuloy ang motor sa pagbaba sa expressway.
Kinumpirma ng North Luzon Expressway Corporation na naganap ang insidente sa R-10 ramp sa Port Area sa Maynila patungo sa NLEX Harbor Link na dinaraanan ng mga naglalakihang truck.
Sinabi ng NLEX na hindi na nila natukoy kung sino ang motorcycle rider na posibleng nalito sa pagpasok.
Dagdag ng pamunuan ng NLEX, posibleng nag-U-turn ang motorsiklo matapos mapagtantong bawal na siya sa expressway.
Matapos ang insidente, magdaragdag ng mga karatula ang NLEX upang maiwasan ang mga aksidente.
Hindi na rin mahahabol ang motorsiklong nasa video dahil wala pa ulit ang no-contact apprehension policy.
Nagbabala ang NLEX sa mga mananadyang mag-counterflow sa expressway na maaari silang matiketan ng reckless driving na may multang P2,000.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News