Kinastigo ni Senador Raffy Tulfo ang mga pulis na nang-aresto sa Pandi, Bulacan habang may suot na bonnet at hindi nakasuot ng uniporme. Lalo pang nainis ang senador at sinabihan ang isang pulis na makapal ang mukha ng nang malaman na kinasuhan nila ang isang lalaki na kanilang dinakip gayung hindi naman kasama sa arrest warrant.
Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nagsagawa ng pagdinig ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, kaugnay sa nangyaring pag-aresto ng mga pulis sa Pandi noong nakaraang Oktubre.
Ipinakita ni Tulfo sa pagdinig ang video na makikita ang pagdating ng mga pulis na naka-bonnet at sibilyan na pumasok sa isang eskinita.
Ilang saglit lang, nagkaroon na ng komosyon at kinalaunan ay inilabas na ang isang lalaki na nakaposas na kinilalang si Rodello Vicente, na residente sa lugar.
Ipinaliwanag ng Bulacan Police Provincial Office sa komite na nagtungo ang mga pulisya sa bahay ni Vicente, para isilbi ang arrest warrant para sa isang "Elmar," na umano'y nagtatago sa bahay ni Vicente, batay sa kanilang impormasyon.
Bagaman hindi si Vicente ang pakay ng mga pulis, inaresto siya dahil nanlaban umano.
Pero ayon kay Vicente, wala sa bahay niya ang tinutukoy na si Elmer, at hindi niya ito kilala.
Dagdag pa niya, maging ang kaniyang manugang at anak na humaharang ay sinampal din umano ng nakasibilyang pulis.
Tumanggi namang magsalita ang pulis na nanguna sa operasyon na si Police Lieutenant Michael Rey Bernardo dahil nasa korte na umano ang kaso na isinampa laban kina Vicente.
Bagay na nakadagdag sa inis ni Tulfo dahil sina Vicente pa ngayon ang nais ipakulong ng mga pulis na umano'y mali ang proseso sa ginawang pag-aresto.
"Yung biktima ang makukulong pa nang di-oras...kapal ng mukha mo, ang kapal ng mukha mo," galit na sabi ni Tulfo.
"Illegal..., illegal entry, naka-bonnet ang mga hinayupak na ito," patuloy niya.
Nalaman din sa pagdinig na inaresto rin ang anak ni Vicente na nagpunta umano sa presinto para hanapin ang kaniyang ama dahil sa kasong direct assault o paglaban sa mga pulis.
Pero ayon kay Bernado, hindi sa presinto inaresto ang anak ni Vicente, at totoo umano na lumaban ito.
Pumayag naman ang mga sangkot sa usapin na sumailalim sa polygraph o lie detector test para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo.
Ayon naman sa kinatawan ng National Police Commission na si Atty. Alberto Bernardo, na dumalo rin sa pagdinig, hindi tama ang proseso sa ginawang pagsisilbi ng mga pulis ng arrest warrant.
"Dapat may arresting officer talaga na nakasuot ng uniporme at mayroon body worn camera," pahayag niya.-- FRJ, GMA Integrated News