Inilabas na ng korte ang hatol laban sa anim na dating pulis-Navotas na kinasuhan kaugnay sa pagbaril at pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar na nangyari noong Agosto 2023.
Sa desisyon ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 286 nitong Martes, tanging isa lang sa mga akusado ang direktang hinatulan kaugnay sa pagkamatay ni Baltazar sa mas mababang kaso na homicide mula sa orihinal na kasong murder.
Parusang pagkakakulong ng apat na taon ang iginawad ng korte laban kay Police Staff Sergeant Gerry Maliban, na lumilitaw na siyang nakabaril sa biktima.
Guilty naman sa kasong pagpapaputok lang ng baril o illegal discharge of firearms ang ipinataw sa apat na dating pulis na si Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Samantalang pinawalang-sala naman sa kaso ang isa pang akusado na si dating Police Staff Sergeant Antonio Bugayong, na wala umanong kinalaman sa nangyari kay Baltazar.
Dismayado ang ina ni Baltazar na si Rodaliza, sa naging hatol ng korte.
“Siya po apat na taon lang siya makukulong. 'Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila 'yung anak ko barilin tapos ano? Gano'n lang? Makakalaya lang sila,” saad ni Rodaliza nang makapanayam matapos ilabas ang desisyon ng korte.
“Sana maramdaman nila din ‘yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” dagdag niya.
Nagsasagawa noon ng pagtugis ang mga pulis laban sa isang suspek sa pamamaril nang mapagkamalan nila si Baltazar na noo'y nasa bangka at nakatakda na sanang mangisda.
Iginiit ng mga pulis sa affidavit na sa tubig lang sila nagpaputok at hindi nila intensyon na patamaan ang biktima na umano'y tumalon sa ilog.
“Ano po ‘yung buhay ng anak ko ano lang, parang aso lang o kaya pusa na ilang ano lang nila paghihirapan tapos parang wala silang ginawa. Parang nasaan po 'yung hustisya, 'yung katarungan para sa anak ko?” sabi pa ni Rodaliza.
“Ilang taon lang po 'yung anak ko, may pangarap pa po siya. Wala na po dahil pinatay po nila ng walang dahilan. Wala pong kaalam-alam 'yung anak ko, wala pong kasalanan,” patuloy niya.
Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at kamay si Baltazar, at nalunod din.
Dismayado rin si Senador Risa Hontiveros, sa naging desisyon ng korte.
"Binigo natin si Jemboy. Binigo natin ang pamilya Baltazar. Sa gitna ng pagluluksa, wala silang makukuha, ni katiting na closure, sa pangyayaring ito...He was just a kid!" sabi ni Hontiveros sa inilabas na pahayag.
"Tandaan rin natin na 19 na pulis ang sangkot sa malawakang operasyong ito, armado ng matataas na kalibre ng baril at sadyang nagpaulan ng bala sa mga bata- paano ito hindi maituturing na murder?" patuloy niya, kaugnay sa isinagawang imbestigasyon noon ng Senado sa sinapit ni Baltazar.
Inihayag naman ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magsisilbing "eye opener" ang nangyari kay Baltazar para mahigpit na sundin ang operational procedures.
“Sana po ay magsilbi po itong eye-opener at reminder sa mga pulis na to adhere doon sa umiiral nating police operational procedure,” ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa press briefing.
Iginagalang din umano ng PNP ang desisyon ng korte at muli silang nakikiramay sa pamilya Baltazar.
“Nirerespeto at welcome po itong naging desisyon ng RTC. Ito po ay pagbibigay hustisya bagama't hindi na po natin maibabalik ang buhay po ni Jemboy patuloy po tayong nakikiramay sa pamilya po nila,” dagdag ni Fajardo. -- FRJ, GMA Integrated News