Arestado ang isang delivery rider dahil sa pagbebenta umano ng hinihinalang droga sa Quezon City. Nakuha mula sa kaniya ang mahigit P200,000 halaga ng hinihinalang shabu.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nadakip ang 28-anyos na suspek sa isinagawang drug buy bust operation sa Barangay Commonwealth.
Enero lamang nagsimulang magtulak ang suspek, ayon sa pulisya.
Nag-ugat ang operasyon ng mga awtoridad matapos magsumbong ang mga concerned citizen sa barangay na may isang bagong pusher sa kanilang lugar.
Nakuha mula sa kaniya ang nasa 30 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P204,000.
Gayunman, higit pa rito ang kayang ibenta ng lalaki.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung sino ang nagbabagsak ng droga sa suspek.
Sinampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News