Dalawang rider ang nasawi, at isa pa ang sugatan sa magkakahiwalay na insidente ng banggaan ng mga motorsiklo sa Pangasinan, Isabela at La Union, na sangkot ang ilang kalahok sa isang motorcycle endurance challenge.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, masawi ang rider na si Dexter Dizu, nang makabanggaan niya ang isang kalahok sa motorcycle race sa National Highway sa Barangay Bonuan Boquig sa Dagupan City, Pangasinan.
"Wasak dito niya, makikita mo buto niya. Inaayos pa ng embalsamador kaya naka-scotch tape po," sabi ni Sherly Dizu sa sinapit ng kaniyang mister na si Dexter.
Ayon sa isang tanod sa barangay, mabibilis ang pagdaan ng mga rider na kasali sa naturang karera.
Sa San Juan, La Union, isang rider din ang nasawi matapos masalpok ng isang kalahok sa motorcycle race na nag-overtake umano.
"Hindi mo naman kasi puwedeng pigilan 'yang mga motorista kasi dadaan din sila. 'Yung mga participant sila na lang mag-adjust na dadaan," ayon kay San Juan Police Station chief Police Major Jason Dolipas. "Pero nakabantay kami sa intersection, 'yun ang binabantayan namin na biglang susulpot na sasakyan."
Isang rider naman sa San Agustin, Isabela, ang nasugatan makaraang mabangga ng isang kalahok din sa naturang karera ng mga motorsiklo.
Sa naturang challenge, kailangan makompleto ng mga kalahok na rider ang 1,200-kilometer na ruta sa loob lang ng 24 oras.
Ayon sa pulisya, nakipag-ugnayan sa kanila ang organizers ng motorcycle endurance challenge para sa seguridad pero sadya raw mabibilis ang takbo ng mga sangkot sa aksidente.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng organizers ng karera na the Boss Ironman Challenge.
Gayunman, sinabi ng pulisya na nangako ang organizer at mga rider na kalahok na nasangkot sa aksidente na tutulong sila sa pamilya ng mga nasawi at nasaktan.
Sinabi naman ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr., paiimbestigahan niya ang mga insidente.
"I think the PNP can only do so much, but we want to give our best. More on sa organizers 'yan eh, but we are willing to help and do an inter-agency coordination with them," ayon sa opisyal. — FRJ, GMA Integrated News