Makatatanggap na ng P10,000 cash gift mula sa pamahalaan ang mga Pilipino na magdiriwang ng kaarawan na 80, 85, 90, at 95, matapos na pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Lunes, ang inamyendahang Centenarian Act.
Sa ilalim ng naturang batas na pinirmahan ni Marcos sa Malacañang, makatatanggap pa rin ng P100,000 cash gift ang mga Pilipino, nasa Pilipinas man o abroad, na aabot sa 100 taon ang edad.
Ayon sa National Commission of Senior Citizens (NCSC), ang naturang batas na nagkakaloob ng cash gifts ay pagkilala sa malusog na pamumuhay ng isang tao para humaba ang kaniyang buhay.
''The clamor of older persons/senior citizens and the general public to extend or expand the benefits and privileges to those milestone years apart from those reaching 100 years old as centenarians, were heard and now being realized for the enjoyment of our beloved older persons,'' ayon sa NCSC.
Sa naunang pahayag, sinabi ni Senador Ramon Revilla Jr. may akda ng batas, layunin niya na mapasaya ang mga nakatatandang Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob sa kanilang ng cash benefits na kanilang magagamit.
Sa nasabing batas, tatanggap ang mga Pilipino ng P10,000 kapag sumapit sila sa edad na 80, at tig-P10,000 muli makalipas ang bawat limang taon hanggang sa umabot sila sa edad na 95. At pagsapit nila ng ika-100 taong kaarawan, P100,000 naman ang matatanggap nila mula sa gobyerno.
Kasama ring pinirmahan ni Marcos nitong Lunes ang bagong batas na Tatak Pinoy Act (Republic Act No. 11981), para suportahan ang mga produktong gawa ng Pilipino.
''The Tatak Pinoy Act is about investing in Filipino competence and talent — that genius and gift must be supported not by exhortation alone but by true, tangible support,'' sabi ni Marcos sa kaniyang talumpati.
''It is about creating products and services of the highest quality because 'Tatak Pinoy' is also about excellence, and as a seal of great workmanship, it must only be applied to those that meet these high standards, and as such, we shall give preference and priority to our products,'' dagdag pa niya.
Samantala, hindi naman kasamang pirmahan ni Marcos ang Magna Carta of Filipino Seafarers, na ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, ay patuloy pang sinusuri. — mula sa ulat ni Ana Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News