Para maalis ang pagdududa ng iba, sinabi ni Speaker Martin Romualdez nitong Lunes, na tatanggapin ng Kamara de Representantes ang bersiyon ng Senado sa gagawing pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon "in toto," o wala silang babaguhin.
Inihayag ito ng lider ng Kamara kasabay ng pagsisimula ng kanilang pagtalakay bilang House Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses No. 7 (RBH7), na bersiyon nila ng Resolution of Both Houses No. 6 (RBH6) ng Senado para amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon.
"To dispel doubts that the efforts of the House of Representatives in pushing for the amendment of the economic provisions of the Constitution are politically motivated, we are adopting all the three proposed amendments of the Senate version of Resolution of Both Houses No. 6, in toto," ayon kay Romualdez.
"This should assure the public that Congress is only touching on the economic provisions that need to adapt to the changing times. There is absolutely nothing in RBH 7 that hovers on any political provision of the Constitution," dagdag pa niya.
Muli ring itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon laban sa Kamara na layunin nilang galawin ang political provisions sa 1987 Constitution para palawigin ang termino ng mga opisyal.
"Categorically, we are denying this unfounded and baseless accusation... Ito lamang ang pakay natin. Ekonomiya, hindi pulitika," giit ng lider ng mga kongresista.
Hinimok din ni Romualdez ang kaniyang mga kasamahan sa Kamara na suportahan ang hakbang para susugan ang probisyon patungkol sa ekonomiya para sa makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan na lilikha ng mga trabaho para sa mga Pilipino.
Kamakailan lang, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang Senado ang mangunguna sa gagawing pag-amyenda sa probisyon ng Saligang Batas patungkol sa ekonomiya.
Sa RBH 6 na inihain nina Senate President Migz Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, at Senator Sonny Angara, para susugan ang Articles XII, XIV, at XVI sa 1987 Constitution.
Partikular dito ang probisyon sa public services, education, at advertising industry, upang dagdagan ng salitang "unless otherwise provided by law." — mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News