Tatlong magkakapatid na senior citizen ang nasawi matapos silang makulong sa nasunog nilang bahay sa Taytay, Rizal. Ang dalawa sa mga biktima, nakalabas na umano ng bahay pero bumalik para iligtas ang isa pa nilang kapatid na may kapansanan.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing nangyari ang trahediya nitong Linggo ng gabi.
Pawang mga babae ang mga biktima, na nakatira sa Kilometer 36 sa Barangay Dolores.
Ayon sa Bureau of Fire Protection-Taytay, mabilis na gumapang ang apoy mula sa isang bahay patungo sa dalawang bahay na katabi nito.
Naapula ang sunog na nagsimula dakong 9:00 pm makalipas ang isang oras.
"Nahirapan po ang mga bumbero natin kasi bawat tapak nila sa tubig at sa yero, nakukuryente po sila, pati rin po ako, kasi po kami ang mga first responder. Yung wire nakadikit sa bakal," sabi ni BFP Taytay Fire Officer 1 John Randolph Baldonado.
Ayon sa mga kaanak, nakalabas na ng bahay ang dalawang biktima, pero bumalik para tulungan ang isa nilang kapatid na naiwan na may kapansanan.
Sa kasamaang-palad, hindi na nakalabas ng bahay ang tatlong magkapapatid.
Iniimbestigahan pa ng BFP ang pinagmulan ng sunog.
Muli namang nagpaalala ang BFP na mag-ingat para maiwasan ang sunog.
"Remind ko lang po sa publiko na iwasan nating iwanan na nakasaksak at naka-on 'yung ating mga appliances. Kadalasan kasi, 'yon ang mga sanhi ng sunog natin. Kagaya rin po ng pagluluto natin, huwag rin po nating iiwanan. 'Yon po ang madalas na sanhi ng sunog dito sa Taytay," ayon kay Baldonado.
Gugunitain ang Fire Prevention Month sa Marso. —FRJ, GMA Integrated News