Arestado ang isang 41-anyos na lalaki na dalawang beses na nakuhanan sa CCTV footage na nanghablot ng cellphone sa Quezon City.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation ng Anonas Police Station sa Barangay Payatas.
Nangyari ang magkasunod na insidente ng panghahablot ng cellphone sa Barangay Sikatuna Village.
Naglalakad ang mga biktima nang lapitan ng salarin na nakasakay sa motorsiklo at hinablutan ng cellphone.
“Ang modus nito ay umiikot-ikot muna sa mga barangay kung saan maghahanap siya ng mabibiktima na karaniwan ay naglalakad sa kalsada na nagse-cellphone. So kapag nakakita siya ng tiyempo, agad niya itong babalikan at ii-snatch 'yung cellphone,” ani Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, hepe ng Anonas Police Station.
Lumalabas sa imbestigasyon na pang-apat na beses nang makukulong ang suspek na dati na ring nasangkot sa kasong may kinalaman sa droga.
Aminado naman ang suspek sa nagawang krimen.
“Ginawa ko po ‘yon (kasi) kailangan ko lang po ng pera para sa magulang ko,” aniya.
Mahaharap ang suspek sa reklamong robbery at paglabag sa Motorcycle Crime Prevention Act. —KG, GMA Integrated News