Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang maaktuhang nagnanakaw ng takip ng manhole sa Maynila. Ang suspek, nakuhaan din ng sumpak o improvised shotgun at isang bala.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District ang suspek, na dati na ring nagnanakaw umano ng mga takip ng manhole sa iba’t ibang lugar sa Malate.
Inilahad ng pulisya na naaktuhan ng mga tauhan ng Barangay 733 ang pagnanakaw ng suspek.
Pagkakuha sa manhole, inilagay ito ng lalaki sa kaniyang trolley para hindi mahalata. Gayunman, nakita na siya sa akto ng mga taga-barangay bago pa niya ito ipinasok sa loob.
Ngunit hindi agad nalapitan ang lalaki matapos siyang makitaan din ng sumpak.
Nadisarmahan ang lalaki pagkarating ng pulisya.
Umamin ang suspek sa kirmen, ngunit itinangging siya ang nagnanakaw ng mga takip ng manhole sa iba pang mga barangay.
“Nangailangan lang po kaya ko po kinuha ‘yun,” sabi ng suspek.
Ibebenta sana ng suspek sa junk shop ang manhole sa halagang P300.
Nakasaad sa batas na mahigpit na ipinagbabawal ang pagnanakaw ng mga government property na ginagamit para sa kaligtasan ng publiko tulad ng mga takip ng manhole, railings, signages, at iba pa.
May parusa itong pagkakakulong na aabot sa 30 taon at multang hindi lalampas sa P300,000.
Maaari ring makulong at magmulta ang sinumang bumibili ng mga naturang gamit.
Sasampahan na ng reklamong theft at paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition ang suspek.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News