Pinirmahan na ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang subpoena laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy, para obligahin siyang sumipot sa pagdinig na isinasagawa ng kapulungan na may kinalaman sa kaniya.
Ito ang inanunyo nitong Lunes ni Senadora Risa Hontiveros, pinuno ng komite na nagsisiyasat tungkol sa alegasyon ng large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence, at child abuse na kinasasangkutan umano ni Quiboloy at ng kaniyang religious group.
Pebrero 14 umano nang inihanda ang subpoena ad testificandum laban kay Quiboloy na pinirmahan ni Zubiri nitong Lunes ng umaga, ayon sa tanggapan ni Hontiveros.
"By Authority of Section 17 of the Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation of the Senate, Republic of the Philippines, you are hereby commanded and required to appear before the Senate, then and there to testify under oath on what you know relative to the subject matter...," saad sa subpoena para kay Quiboloy.
Sinisikap pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Quiboloy pero nauna na niyang sinabi na mas nanaisin niyang humarap sa paglilitis ng korte kaysa dumalo sa pagdinig ng Senado.
BASAHIN: Pastor Quiboloy, handa raw humarap sa korte pero hindi sisipot sa Senado
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng komite ni Hontiveros nitong Lunes, pinasalamatan ng senadora si Zubiri sa pagpirma sa subpoena laban kay Quiboloy.
Nitong nakaraang Linggo, sinabi Hontiveros sa mga mamamahayag na mas mabuting si Zubiri ang tanungin kung bakit wala pa ang subpoena laban kay Quiboloy gayung naipadala na niya ang lihim ng kahilingan sa tanggapan ng lider ng Senado noong February 6.
Bilang tugon, sinabi ni Zubiri na pipirmahan niya ang subpoena na naantala lang dahil sa tambak na trabaho at isyung kinaharap ng Senado.
Ayon kay ani Hontiveros, "My office has made it our policy to put the voices of women and children first, to put the voices of the victim-survivors at the center. And I am glad that our institution under the current Senate leadership has made it its policy, too."
"Yes, the subpoena against Apollo Quiboloy is out. Gaano man kalakas ang ingay ng politika, mas malakas dapat ang panawagan para sa katarungan," dagdag niya.
Hiniling ni Hontiveros na ipa-subpoena na si Quiboloy makaraang ilang ulit itong hindi dumalo sa imbitasyon ng Senado na dumalo sa pagdinig ng kaniyang komite na Senate committee on women, children, family relations, and gender equality.--FRJ, GMA Integrated News