Arestado ang isang lalaki na nanggahasa umano ng kanyang 11-anyos na kaibigan sa Caloocan City.
Itinanggi naman ng suspek ang paratang, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Lunes.
Ayon sa Caloocan Police, nangyari ang insidente noong Mayo 2023.
Nag-iinuman daw noon ang suspek at biktima kasama ang ibang kaibigan.
"Base po sa imbestigasyon natin, itong akusado at biktima at kanyang ibang kaibigan ay nag-iinuman ng panahong iyon. After nilang mag-inuman ay nangyari ang 'di inaasahang insidente na 'yon. Kinabukasan itong ating biktima ay nagsumbong sa kanyang magulang, sa tatay," kuwento ng chief investigator ng Caloocan Police Station na si Police Major Jansen Tiglao.
Ilang buwan daw nagtago ang 20-anyos na suspek na naging ika-siyam na most wanted ng Northern Police District.
"Noong December 2023, nilabasan po ito ng warrant ng korte. Nagkaroon po tayo ng tip na galing sa barangay na itong akusado ay nandoon sa area. At kaagaran naman nating pinuntahan para ma-serve itong kanyang warrant," kuwento ni Tiglao.
Sa Barangay 28 naaresto ang suspek na nahaharap sa kasong statutory rape.
Sabi naman ng suspek ay hindi siya ang gumawa ng krimen kundi ang isa pa nilang kaibigan. Napagbintangan lang daw siya.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsauli ng arrest warrant sa korte. —KG, GMA Integrated News