Isang proyekto ang inilunsad sa Pasay City na hindi lang nakatutulong sa kalikasan kundi pati sa mga nangangailangan din.
Ayon sa ulat ni Katrina Son sa Unang Balita nitong Lunes, inilunsad ang nasabing proyekto ng Our Lady of Sorrow Church kung saan pinapalitan ang 10 plastic bottles ng bigas, sardinas at instant noodles.
Kahit tirik ang araw ay hindi ito ininda ng mga pumila dahil malaki raw ang maibabawas ng mga ayudang pagkain sa kanilang gastusin.
Bukod sa mga ayudang pagkain ay may meryenda ring nakalaan para sa mga nakapila.
Lubos namang ikinatuwa ng mga nakapila ang ayudang natanggap.
"Mabuti naman at nagkaroon ng biyaya rito. Malaking tulong din ito para sa mga apo ko," sabi ni Remedios Gabanta, isa sa mga pumila para sa ayuda.
Umabot sa 10 libong residente mula sa mga kalapit na barangay ng parokya ang nabigyan ng ayuda.
Katuwang ng simbahan ang Filipino Chinese community para sa taunang proyekto na bahagi raw ng pagdiriwang nila ng Chinese New Year.
"Para ma-value nila 'yung kahalagahan ng mga basura, paano nila 'yan ise-segrate," ani Leonor Mendoza-Loor, OIC ng Our Lady of Sorrows Parish Church Foundation.
Ang mga nalikom na plastic bottle ay gagamitin para sa iba't ibang proyekto. —KBK, GMA Integrated News