Ligtas na naibalik sa kanyang ina nitong Linggo ng hatinggabi ang isang sanggol na tinangay umano sa Ermita, Maynila.
Tinangay umano ng isang babae nitong Biyernes ng hapon ang nasabing sanggol na pitong buwan pa lamang, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng GMA Integrated Nwes sa Super Radyo dzBB.
Ayon sa babae, ipinahawak ng lolo ang sanggol sa kanya dahil pagod na raw ito mag-alaga.
Kuwento naman ng ina ng bata, iniwan niya ang kanyang anak sa lolo nito dahil kailangan niyang pumasok sa trabaho.
Nang kukunin na niya ang bata ay doon na niya nalaman na nawawala na pala ang sanggol.
Dumulog sa mga awtoridad ang ina at humingi ng tulong.
Sa pagsusuri ng CCTV, doon nila nakita kung sino ang nagdala sa bata. Ipinost ng pamilya ito sa social media.
Makaraan ang ilang oras ay nakatanggap ng mensahe ang pamilya mula sa isang alias Jenny Fernandez.
Nasa kanya raw ang sanggol pero wala siyang planong nakawin ito.
Natakot daw siya dahil ipinost ng pamilya ang kanyang mukha sa social media, kaya siya ay nagtago sa bahay ng kaibigan sa Norzagaray, Bulacan.
Humingi ng tulong ang nanay sa Manila Police District na agad nagpunta sa Bulacan para makipag-ugnayan sa mga awtoridad doon.
Habang nagba-backtracking ang pulisya, nagpadala muli ng mensahe si Jenny sa pamilya at sinabing isosoli na niya ang bata.
Kasama ang ilang tauhan ng Manila Police District, nagtungo ang pamilya sa Baclaran para makipagkita kay Jenny. Doon nila nakuha ang sanggol hatinggabi kanina.
Sumama naman si Jenny sa mga pulis para magbigay ng salaysay.
Sa panayam ng GMA Integrated News kay Jenny, sinabi nito na kusang loob ibinigay ng lolo sa kanya ang sanggol dahil pagod na raw ito mag-alaga.
Sabi naman ng lolo, ipinahawak niya ang bata kay Jenny dahil kinailangan niyang pumunta sa banyo. Paglabas daw niya sa banyo ay wala na ang dalawa.
Nagpasya ang pamilya na hindi na ito magsasampa ng reklamo laban kay Jenny.
Iimbestigahan naman ng pulisya ang lolo para mabigyan ng linaw ang pangyayari. —KG, GMA Integrated News