Patay na ang nakakulong na lider ng oposisyon sa Russia at pangunahing kritiko ni President Vladimir Putin na si Alexei Navalny, 47-anyos.
Ayon sa Reuters, iniulat ng Russian prison service na nawalan umano ng malay si Navalny, habang nakapiit sa isang bilangguan sa Arctic Circle, na malayo sa Moscow.
Sa pahayag na inilabas ng Federal Penitentiary Service of the Yamalo-Nenets Autonomous District, sinabing sumama umano ang pakiramdam ni Navalny at nawalan ng malay matapos maglakad sa IK-3 penal colony sa Kharp, na tinatayang 1,900 km ang layo mula sa northeast ng Moscow.
"The medical staff of the institution arrived immediately, and an ambulance team was called," saad sa pahayag.
"All necessary resuscitation measures were carried out, which did not yield positive results. Doctors of the ambulance stated the death of the convict," dagdag nito.
Inaalam pa umano ang dahilan ng pagkamatay ni Navalny.
Ayon naman kay Dmitry Peskov, tagapagsalita ni Putin, ipinaalam na umano sa pangaulo ang nangyari kay Navalny.
Naging boses ng oposisyon sa Russia si Navalny na walang takot na inakusahan ang gobyerno ng katiwalian.
Noong 2021, bumalik sa Russia si Navalny mula sa Germany matapos na magpagamot bunga ng umano'y tangkang paglikida sa kaniya gamit ang nerve agent o sa paraan ng paglason.
Dinakip si Navalny sa pagbalik niya sa Russia, kinasuhan, at hinatulang makulong.
Itinanggi naman ng Kremlin ang alegasyon at iginiit na walang katibayan na magpapatunay na nilason sa pamamagitan ng nerve agent si Navalny. — mula sa ulat ng Reuters/FRJ, GMA Integrated News