Isang babae ang nakitang patay sa gilid ng kanal sa Binangonan, Rizal nitong Martes ng umaga.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras," kinilala ang biktima na si Janiclear Cahilig, 31-anyos, natagpuan ang bangkay sa Quarry Road dakong 7:00 a.m.

Hinala ng mga awtoridad, gabi nitong Lunes nang iniwan ng salarin ang bangkay sa naturang lugar.

"'Yun po ay madamo madilim wala pong ilaw sa poste at walang CCTV doon. Maaari po ito na hinataw po ng matigas na bagay sa ulo," ayon kay Police Lieutenant Evangeline Santos, hepe ng Binangonan Police.

Kinilala ng live-in partner ng biktima na si Roceller Lanon ang bangkay ni Cahilig. Lunes daw ng hapon dakong 4:00 pm nang huli niya itong nakita.

"Pinagluto pa nga niya ako. Pagkatapos niya pong magluto nagpaalam lang po siya na maghahatid ng pagkain sa kabila sa kabilang bahay po. Tapos di na siya nakabalik. Pero noong time na 'yon nakapagpaalam pa siya sa anak ko na may pupuntahan daw siya," sabi ni Lanon.

Wala raw siyang alam na nakaaway ni Cahilig.

"Sa gumawa nito sa asawa ko, pagbabayaran niyo ito. Hindi kayo makakatakas," sabi ni Lanon.

May hawak na umanong mga CCTV footage ang awtoridad na inaasahang makatutulong para malutas ang kaso.-- FRJ, GMA Integrated News