Nauwi sa maaksyon at mapanganib na habulan ang nangyaring pagsita ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang rider na angkas ang kaniyang asawa at dalawang batang anak sa Mel Lopez Boulevard sa Maynila.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang pag-zigzag at pagsingit ng rider sa ibang sasakyan para matakasan ang mga humahabol na tauhan ng MMDA.
Ilan beses siyang pinagsabihan na itabi ang kaniyang motorsiklo pero hindi nakinig ang rider. At nang malapit na siyang abutan, iniwan niya ang motorsiklo at ang kaniyang mag-iina at patakbong tumakas.
Pero kinalaunan, naaresto pa rin siya. Ang katwiran ng rider sa kaniyang pagtakas--wala siyang lisensya.
"Natakot po ako wala po akong lisensya... Pasensya na po," pakiusap ng rider.
Bakas naman ang inis ni MMDA Special Operations Strike Force Gabriel Go sa rider dahil inilagay nito sa panganib ang buhay ng kaniyang mag-iina, lalo ang dalawang bata na walang suot na helmet.
"Initial violation is just P3,000. [Pero] Ang buhay hindi puwedeng palitan 'yan," ayon kay Go.
Samantala, tinekitan naman ng MMDA ang mga tricycle, motorsiklo, at pedicab na nakaparada sa kalye ng Capulong sa Tondo.
Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, dapat tugunan ang problema sa illegal parking sa gilid ng daan na dahilan ng traffic.
"Dapat talaga kumilos and barangay dito. Otherwise, we will be calling their attention as a warning. Dapat may shared responsibilty dito," ani Abalos.
Kikilos naman umano ang mga opisyal ng barangay sa naturang problema pero aminado sila na maraming pasaway sa kanilang lugar.-- FRJ, GMA Integrated News