Isang natutulog na 73-anyos na lola ang tinakpan ang bibig at ilong, pinagsusuntok at ilang beses pang iniumpog sa sahig ng isa sa dalawang nanloob sa kaniyang bahay sa Maynila. Ang mga inarestong suspek, kaniya pa man ding mga apo.

Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Martes, mapapanood sa CCTV ang mahimbing na pagtulog ng lola sa kaniyang bahay gabi ng Disyembre 3, 2023.

Ngunit ilang saglit lang, isang babae ang pumasok sa bahay na may dala-dala na tila tela.

Pumaimbabaw ang suspek sa matanda, saka niya tinakpan ang bibig at ilong nito.

Pilit na nilabanan ng lola ang pag-atake sa kaniya, at buong lakas na bumaba sa kama upang makawala sa pagkakadagan sa kaniya.

Maririnig pa sa CCTV ang pagsigaw ng lola.

Habang nagpapambuno ang dalawa, biglang pinaghahataw ng suspek ng kaniyang kamao ang ulo ng matanda. Gayunman, hindi nagpaawat ang lola sa pagsigaw.

Dito na siya puwersahang iniumpog sa sahig nang anim na beses kaya siya nahilo.

Tumayo ang babae at kinuha ang pouch ng biktima na naglalaman ng pera, alahas, at cellphone, bago tumakas.

Batay sa imbestigasyon, mismong mga apo ng lola ang mga nasa likod ng pananakit at panloloob.

Edad 22 lamang ang babaeng umatake sa kaniya.

Nadakip ang babaeng suspek sa Aurora province, makaraang makapagsampa ng reklamo at makapaglabas ng warrant of arrest ang korte.

Arestado naman sa Cavite ang kasabwat nito umanong kapatid.

Narekober ang ilan sa mga ninakaw sa lola.

Sinabi ni Police Brigadier General Thomas Ibay, District Director ng Manila Police District na inireklamo ng robbery with violence ang mga suspek, na hindi na nagbigay ng pahayag. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News