Arestado ang dalawang lalaking nangholdap daw ng isang vape shop sa Las Piñas City noong February 9.
Kinilala ang mga suspek na sina Argie Badan at Junrex Tuyor.
Nahulicam ng CCTV ang ginawang panunutok ng baril ni Badan sa staff ng vape shop.
Natangay umano nila ang cash na aabot sa P70,000, cellphone, tablet at relo. Kinuha pa nila ang motorsiklo ng staff na bago pa at tatlong araw pa lang sa kanya.
Nagsumbong agad ang biktima sa mga pulis na nagsagawa ng follow up operation.
Madaling araw ng February 11 nang matunton ang kinaroroonan ni Tuyor na siya ring nagturo sa bahay ng kasama niya sa panghoholdap na si Badan.
Naaktuhan pa ang pagdating ni Badan habang sakay ng motorsiklong ninakaw nila. Dito na siya nilapitan at inaresto ng mga pulis.
Narekober ang motorsiklo, relo at cellphone pero hindi na nakuha ang tablet at P70,000 na cash.
Ayon kay Las Piñas City Police Chief Police Colonel Sandro Tafalla, winaldas umano ng mga suspek ang pera.
“After the incident nagrenta sila ng hotel tapos kumuha accordingly ng mga GRO,” ani Tafalla.
Umamin sa krimen si Tuyor at iginiit na si Badan ang kasama niya.
“Naaya lang po ako,” ani Tuyor.
Itinanggi naman ni Badan na siya ang kasama ni Tuyor sa panghoholdap.
“Hindi po ako may gawa n’on. Nasa bahay lang ako noon, sir,” sabi ni Badan.
Ipinatabi lang din daw sa kanya ang motorsiklong pag-aari ng staff ng vape shop.
Ayon sa Las Piñas City Police, dati nang may kasong frustrated murder, theft at illegal possession of firearms si Badan habang may kasong carrying of bladed weapon naman si Tuyor.
Narekober kay Badan ang baril na ginamit sa panghoholdap.
Robbery at illegal possession of firearms ang kahaharapin nilang kaso.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang may-ari ng vape shop. —NB, GMA Integrated News