Kasabay ng midterm elections sa May 2025 ang kauna-unahang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ang huling gobernador ng binuwag na Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), ikinatuwa ang pagsuporta ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., sa idaraos na halalan, na unang itinakda sanang gawin noong 2022.
Sa panayam ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng pagpaparehistro ng mga botante kaugnay ng 2025 elections, sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na masusi nilang tinututukan ang pagpaparehistro sa BARRM.
"Imo-monitor po nating mabuti 'yung registration natin diyan sa Bangsamoro sapagkat for the first time meron po tayong eleksyon para sa Bangsamoro parliament ngayong darating na 2025," ayon kay Garcia.
Ayon kay Garcia, babantayan nila ang mga posibleng double at multiple registrations sa buong bansa.
Nagsimula ang voter's ngayong Lunes at magtatapos sa September 30, 2024. Tinatayang tatlong milyong botante ang inaasahan ng Comelec na madadagdag na mga boboto.
Ang BARMM ang pumalit sa ARMM noong 2019 matapos maipasa ang Republic Act (RA) 11593, o Bangsamoro Organic Law (BOL). Mula nang maitatag ang BARMM, pinamunuan ito ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) habang hindi pa nagkakaroon ng eleksyon para sa mga magiging lider.
Sa ilalim ng ipinasang batas, unang itinakda ang paghalal ng mga lider ng BARMM noong May 2022, pero isang batas ang ipinasa ng 18th Congress para iurong ito sa May 2025.
Kamakailan lang, binigyan-diin ni Marcos sa 17th Meeting of the National Government – Bangsamoro Government Intergovernmental Relations Body (IGRB), ang kahalagahan ng matatag na BARRM para sa matatag na Mindanao.
''A stronger BARMM means a stronger Mindanao. A stronger Mindanao means a stronger Philippines bringing us closer to achieving our agendas,'' anang pangulo, kasabay ng hangaring niyang maging makasaysayan ang gaganaping eleksyon.
Sa isang pahayag, ikinatuwa ni House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman, ang naging pahayag ni Marcos para sa BARRM.
“We are pleased to hear the President’s statement urging leaders in BARMM to make the 2025 elections a historic one. Tunay na makasaysayan ito para sa mamamayan ng Bangsamoro na matagal na ipinaglaban ang karapatan sa awtonomiya at self-governance,” sabi ni Hataman, na dati at huling naging gobernador ng ARMM, na pinalitan ng BARMM.
“Masasabi lang natin na may tunay na autonomous region ang Bangsamoro kung ang mga mamamayan ay malayang makakapili ng kanilang mga lider sa pamamagitan ng bisa ng malaya at maayos na halalan,” dagdag pa niya.
Umaasa si Hataman na makikita sa resulta ng 2025 elections sa BARMM ang pantay-pantay na representasyon sa Bangsamoro Parliament para sa lahat ng Moro, mula sa hanay ng mga katutubo, ethnic minorities at settler communities. -- FRJ, GMA Integrated News